December 24, 2011

Mahal kita friend

Ngayon ko lang to naramdaman. Wala akong ganang kumain. Hindi ko rin magawang matulog. Wala akong magawang kahit ano bukod sa isipin siya. Tumulala, mag-muni-muni, at hanapin ang gamot sa hika na pinalala pa ng di nakikisamang pagtibok ng aking puso. Inhale, ooh... Exhale, aah... Kaya mo yan Lizzy, kaya mo yan. Di ko na alam kung dala ba ng asthma o heartache ang dahilan ng paninikip ng aking dibdib (o baka naman masikip lang ang bra ko?) Sa tingin ko karma na to. Masama kasi ang ugali ko. Ngayon alam ko na kung paano masaktan, kaya naman New Year's Resolution ko na ang di manakit ng puso ng iba.



Alam ko na hindi ko siya dapat sisihin. Taken na siya, ano pa inaasahan ko? Gaga rin kasi ako, kung kailan pa siya nagka-girlfriend dun pa ko nagpakaganito. Pero di rin niya ako masisisi na mahalin ko siya. Gwapo, matalino, mabait... lahat ng magandang bagay nasa kanya na. At kahit di maganda, nagiging maganda basta siya ang may gawa. Napakabuti niyang tao. Kahit bad mood ako, may topak, o may sapi man, pinipilit pa rin niya akong intindihin. Kahit pagsalitaan ko siya ng kung anu-ano, hindi pa rin niya makuhang magalit sa'kin. Kaya naman mahal na mahal ko siya. Kaya naman di ako maka-move on. Kaya patuloy akong nasasaktan. Pero ayos lang, mas gusto ko na ang ganito, syempre ayoko namang matapos yung pagkakaibigan namin di ba? Mas hindi ko kaya yon.

Gusto ko sana siyang yakapin, gusto ko siyang hagkan, gusto kong ipagsigawan na mahal ko siya. Parang bombang sasabog ang puso ko. Parang sugat na binudburan ng asin. Parang toothache na di tinatablan ng pain reliever. Parang gripong sira na patuloy sa pagbuga ng tubig kahit wala namang may kailangan nito. Nais kong ipadama ang nararamdaman ko pero hindi pwede. Kaya naman dapat na akong makuntento na ligawan siya sa tingin, magmasid sa gigilid, at hintayin ang mutual na pagtingin na para sa akin.

No comments:

Post a Comment