February 14, 2012

Kakalasan

Mabigat ang aking hakbang palabas ng aming eskwelahan. Bagsak ang aking mukha at katawan at wala na ring kislap ang dati-rati’y maningning kong mga mata. Maaari sana akong mag-dyip na lang pauwi gaya ng akin ng nakaugalian, pero pinili ko pa ring mag-LRT dahil nagbabakasakali ako na makita ko siya. Gusto ko siyang makasabay pauwi dahil gusto kong magpaliwanag at humingi ng tawad sa kasamaan ng aking ugali. Alam ko naman na walang lugar para sa’king pagtatanim ng sama ng loob. Ngunit alam ko rin na ang kawalan ko mismo ng lugar ang ikinasasama ko ng loob.

Halos mag-iisang oras din akong naghintay sa istasyon ng tren pero di ko siya nakita. Nawalan na ako ng pag-asa na makita pa siya kaya napagdesisyunan ko na pumasok na sa loob ng tren. Kasabay ng pag-usad ng LRT ang pagbugso ng mga ala-ala sa aking isipan. Naalala ko ang mga panahon na malaya ko siyang nakakasama. Walang komplikasyon, walang hassle, at higit sa lahat—walang magagalit. Ang mga panahon na hindi pa kami biktima ng kasalukuyang sitwasyon. Ang mga panahon at pagkakataon na sinayang ko. Ang mga matatamis na alaala na minsa’y nagpasaya sa akin at ngayon ay dapat ko ng kalimutan.


Umuwi ako sa aming bahay na hapong-hapo. Dumiretso ako sa’king kwarto at humiga sa kama. Nagpahinga muna ako ng ilang minuto bago ako nagbihis ng damit pambahay. Masyado akong pagod kaya wala na akong ganang kumain ng hapunan. Wala ng buhay na nakahilata ang aking katawan ngunit buhay na buhay at patuloy pa rin sa pagtakbo ang aking isipan. Marami kasi akong tanong na hanggang ngayo’y di ko mahanapan ng sagot.


“Pangit ba ‘ko?”


‘Yan ang tanong ko. Mula sa pagkakahiga ay tumayo ako upang pagmasdan ang aking sarili sa malaking salamin sa may aparador. Doon, napagmasdan ko ang aking imahe. Ang bilugan kong mata, ang matambok kong pisngi, ang manipis at unat kong buhok, ang morena kong kutis, at ang payat kong katawan. Kung tutuusin ay hindi naman ako pangit. Sa katunayan ay kuntento na ako sa aking nakikita sa harap ng salamin. May ilan rin namang kalalakihan ang nagkakagusto sa’kin, ang problema nga lang ay wala kong gusto sa kanila. Isa lang kasi ang gusto ko—siya lang. Tapos ‘yung nag-iisang “siya” may karelasyon pang iba. Ang tamang tanong siguro ay “Ano ba’ng ayaw niya sa’kin?” o “Bakit hindi ako?” Pero hindi rin, ang totoo’y alam ko na ang sagot sa mga tanong na iyan. E ‘yung “Kailan ba sila maghihiwalay?” Ayan di ko pa alam, pero ayaw ko na rin ‘yang alamin. Sabi niya hindi raw madaling manakit ng damdamin ng iba kaya di raw ganoon kadaling makipaghiwalay. Hindi ba niya alam na sa ginagawa niyang pag-iingat sa damdamin ng iba ay paulit-ulit na niyang sinasaktan ang damdamin ko?—Iyan ang tunay na tanong.


Pagkaraa’y pumasok ako ng banyo upang maghilamos at magsipilyo. Damang-dama ko ang lamig ng tubig sa aking mukha. Ang sarap sa pakiramdam na mawala ang pawis at alikabok at kung ano pang dumi na nakuha ko sa buong mag-hapon. Pagkatapos ay muli akong humiga sa kama at nagtalukbong.


“Kailangan ko ng magpahinga, may pasok pa ‘ko bukas,” bulong ko sa’king sarili.


Ipinikit ko ng marahan ang aking mabigat na ring mga mata at niyakap ang unan sa aking tabi. Dapat na ‘kong magpahinga upang magkaroon ako ng lakas na harapin ang araw ng bukas. Bukas magre-report ako sa klase, bukas may hang-out kami ng mga kaibigan ko, bukas may lecture forum ang department. Hindi pa katapusan ng mundo—may bukas pa. Bukas, ‘pag nagkasalubong kami sa daan ay babatiin ko siya at ngingitian, pero hindi ko na siya hahanapin o babanggitin pa.


Batid ko na hindi pa hilom ang lahat ng aking mga sugat, subalit masaya ako sa kaisipan na wakas—natutunan ko na rin itong gamutin. Lilipas ang mga araw, buwan o taon. Lilipas ang panahon. Matagal ang proseso ng paggaling, ngunit masaya ako na nagsisimula na ito ngayon.

No comments:

Post a Comment